extra help-biey | site design-kel juan | all rights reserved.

Entries for April, 2007

April 1st, 2007

PARADA NG PATAY

Posted by influenza at 05:21 PM on April 1, 2007 .

 

May ililibing na naman yata. Magaspang sa tainga ang tunog ng kantang pinatutugtog habang iminamartsa ang mga labi ng namatay papunta sa sementeryo. Gano'n din nung isang linggo kung kailan dalawa ang namatay sa bayan namin.

Lumabas ako para maki-usyoso. At hindi karo kundi pajero ng kumakandidatong alkalde ang nakita ko, may malaking speaker phone sa ibabaw. Jingle pala ng politikong ito ang naririnig ko.

Hindi mga bulaklak o kandila ang dala ng mga tao, sa halip ay mga leaflets at flyers na nagsasabing "Iboto si ganito!", o "Si ganyan para mayor!"

Pakiramdam ko isa-isang nalalagas ang mga hibla ng kilay ko,
nakapangingilabot. May ililibing na naman. Ngayong panahon ng eleksyon, ilan ang mamamatay? At ilan ang babangon sa libingan para makaboto?

(Sa nakaraang pambansang halalan, nakita ko sa voters' list ang pangalan ng lolo kong namatay na bago pa man maupo sina Erap at Gloria bilang pangulo.)

 

 

[23 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

April 5th, 2007

GROCERY ITEM

Posted by influenza at 03:47 PM on April 5, 2007 .

 

Kinalma ako
ng natatarantang mga kamay (ng kahera)
at itinapat sa tagusang salamin
kung saan isang pulang ilaw
ang humalik sa akin
at mula sa isang babasaging kahon
nalaman kong ako'y may halaga.

 

[20 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

MULA SA ISANG BILANGGO

Posted by influenza at 03:53 PM on April 5, 2007 .

 

Sa kabila ng rehas na ito,
isang malawak na bilangguan ang nakikita ko.

Sa kabila ng rehas na ito,
mga politiko't pangako,
mga kabataang walang kibo,
mga babaeng naiwang balo,
mga batang walang maisubo,
at isang tuko
ang sa Malakanyang'y nakaupo.
At sa dako pa roon,
isang mestisong buwitre ang nagbabalat-kayo.

Sa kabila ng rehas na ito,
isang malawak na bilangguan ang nakikita ko.

 

[2 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

April 11th, 2007

BANANA CATCH-UP

Posted by influenza at 11:45 PM on April 11, 2007 POP & HUMOR.

 

Ang mga Bumbay ba nang-i-indian?

Marunong akong magbasa ng palad, subukan natin sa'yo. Pahinging tubig!

Ano nga ba yung kanta ni RJ (PDA guy)? Ah! Mystica 'pag Tuesday! Oh! Monday, Wednesday, Thursday, Friday, Saturday...Mystica pag Tuesdaaay!

Ibabalik na sa inyong mga telebisyon ang Sa Linggo n'APO sila! Yey! Kaya lang, hindi na APO ang magho-host, sa halip ay ang mga Pussycat Dolls. Kaya naman ang magiging titulo ng palabas na ito ay: Sa Linggo na-PUSSYCAT!

Nung bata pa ako, para matanggal ang sakit ng tiyan, kumukuha ako ng sandok (yung gawa sa stainless steel) at ito ang ginagamit kong pangsalok ng sakit na nararamdan ng tiyan ko. Hmm, mahiwagang sandok.

Ngayong malaki na ako, hindi na tiyan kundi puso ang madalas makaramdam ng hapdi. Sayang at yari sa kahoy ang sandok sa bahay.

 

[14 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

April 12th, 2007

BANANA CATCH-UP (KAPAMPANGAN)

Posted by influenza at 12:25 AM on April 12, 2007 POP & HUMOR.

 

Ta mang-indiyan la reng Bumbay?

Balu kung basan in palad mu, nokarin ya ing danum?

Nanu ya ing kanta neng RJ (itang bayung-tau keng PDA)? Ah! Mystica pag Tuesday! Oh, Monday, Wednesday, Thursday, Friday, Saturday...Mystica pag Tuesdaaay!

Mibalik ne ing Sa Linggo n'APO Sila, peru ali ne deng APO ing mag-host, reng Pussycat Dolls. Ayni ing bayung lagyu na: Sa Linggo na-Pussycat.

Atatandyanan ku pa, para milako ing sakit dungus, sasandukan ke, itang gawa keng stainless steel.

Ngening maragul na ku, ing pusu naman ing makaramdam sakit. Ala kaming sanduk-stainless, gawa ya keng dutung ing sanduk keni.

 

 

[3 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

BUSOG (Caloy Gernale)

Posted by influenza at 09:22 PM on April 12, 2007 .



These photos were taken by Irvin Rivera at the opening of Caloy Gernale's 3rd solo exhibit, entitled 'Busog' last Monday, April 9, 2007.



RECENT WORKS OF CARLO GERNALE @ BLANC ARTSPACE, 2E CROWN TOWER,H.V. DELA COSTA ST, SALCEDO VILLAGE, MAKATI CITY



EXHIBIT RUNS UNTIL APRIL 23, 2007.



[add a comment]

----------------------------------------------------------------------

April 13th, 2007

TANDANG PANANONG (2nd draft)

Posted by influenza at 10:55 AM on April 13, 2007 .

 

Ano ang pakiramdam
ng pisnging
parang ginusot na tela,
pisnging may permanenteng gusot
paalala ng pagtanda;
ano ang pakiramdam nito
sa palad
habang hinihilamusan
sa gabi bago matulog,
o sa umaga pagkagising?

 

[4 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

TANDANG PANANONG (4th draft)

Posted by influenza at 08:43 PM on April 13, 2007 .

 

Ano ang pakiramdam
ng pisnging
parang lumang sampung pisong papel,
ng mga permanenteng gusot
paalala ng pagtanda;
ano ang pakiramdam nito
sa palad
habang hinihilamusan
sa gabi bago ang pahinga,
o sa umaga pagkagising?

 

[9 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

DAMO

Posted by influenza at 09:23 PM on April 13, 2007 .

 

Bagong ligo ang damuhang bumati sa puwitan ko sa muli kong pagbalik sa *Elbi. Di gaya dati, mukhang mas mayabang ang mga damo ngayon, parang gustong magpasikat sa mga magulang at sa mga magsisipagtapos ngayong Abril, gayong tatapakan lang naman sila't di mararamdaman ng mga suwelas ng balat na sapatos ng mga magmamartsa. Ang mga damong ito, manang-mana sa bago nitong chancellor.

Hindi ko alam kung hanggang ngayon ay nadidiligan pa rin ng tamod ang mga damong ito. Wala nang mga gamit na condom na magsasabi sa'kin tungkol sa bagay na 'yon. O siguro, kanina pa winalis ang mga ito't nakakahiya raw para sa mga sumasamba sa diyos.

Madamo pa rin sa Elbi. Marami pa ring adik sa relihiyong puwedeng irolyo sa papel, sindihan, at hithitin para pansamantalang maramdaman ang kamay ng diyos.

Madamo pa rin sa Elbi. Sa mga likaw na Tagalog, ang ibig sabihin nito'y makalat. Sa admin matatagpuan ang pinakamalaking kalati, ang chancellor. Hindi ko pa rin nakakalimutang pinagbantaan niya akong kasuhan para makulong dahil lang sa mga unang buwan ng kaniyang panunungkulan ay plackard at hindi palakpak ang isinalubong ko sa kanya. Ang mga kagaya niyang tae ang nagpapalusog sa madamong lupa ng Elbi.

 

--------------------------

*UP Los Banos

 

[15 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

April 20th, 2007

AKO ANG PANGYAYARI

Posted by influenza at 01:41 AM on April 20, 2007 .

 

"Nangyari ako at hindi ka tumingin."
-mula sa homilya ni Fr. Ferriols, SJD (sa librong Salvaged Prose ni Emmanuel Lacaba)

Palagi namang ganoon. Hindi naman kasi hinahanap ang naririyan. Kung kailan ako'y wala, saka n'yo ako hahanapin. Anong kailangan n'yo sa akin?

Nagnanana na ang kasabihang malalaman mo lang ang importansya ng isang bagay (o tao) kung ito'y wala na. At ito sa utak ninyo'y tila naimpeksyon na.

Para kayong mga langgam na nagkagulo sa butil ng kaning nahulog sa sahig nang mabalitaan n'yong nandito pala ako. Pero di n'yo ako naabutan, ni hindi n'yo nasilayan ang bagong-gupit kong buhok. O baka hindi n'yo ako nakilala, gaya sa isang popular na bugtong: nariyan na'y hindi pa nakikita. Nangyari ako't hindi kayo tumingin.

 

 

[33 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

April 25th, 2007

LIMANG BUGTONG

Posted by influenza at 12:06 AM on April 25, 2007 .

 

I. Kalasag ng sampung sundalo'y
walang kalaban-laban
sa matatalim na labing
gawa sa metal.



II. Isang milyong sundalo
matatapang na sumugod
pero isa lamang
ang nagtagumpay sa laban.



III. Tanggap ko ang paminsan-minsang pagdalaw mo
Kahit di ko maintindihan
kung bakit sinasaktan mo ako.



IV. Ako ay may pakpak
pero di nakalilipad;
ako ay tagasalo
ng buwanang problema mo.



V. Dumi't alikabok
dala-dala ko
sa paglabas
sa gubat mo.

 

Limang bugtong. July, 2004. Los Banos, Laguna.

 

[3 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

April 26th, 2007

AKO AY ISANG TRICYCLE DRIVER

Posted by influenza at 12:00 AM on April 26, 2007 .

 

Kung krudo ang pawis
na tumatagaktak
mula sa noo, leeg
hanggang sa kamay na parang bakal
na nakakapit sa silinyador ng tricycle,
disin sana'y di na kailangang
ipambili ng langis
ang perang pangkain.

 

 

May 1, 2006. Calamba, Laguna.

 

 

[8 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

April 27th, 2007

ANAK NG GIYERA

Posted by influenza at 03:51 PM on April 27, 2007 .

 

Ako ay anak ng giyera
ipinaglihi ako sa bomba
kumakain ako ng bala't
umiinom ng krudo
hininga ko'y amoy usok
utot ko'y parang putok
ng kanyon ng Impeng Kanong
gumahasa sa Nanay ko.

 

 

 

[29 comment/s]

----------------------------------------------------------------------
« 2007/03 | 2007/05 »