extra help-biey | site design-kel juan | all rights reserved.

Entries for March, 2007

March 2nd, 2007

EMOTICON

Posted by influenza at 06:07 PM on March 2, 2007 .

 

tigtatatlong
tutuldok
at mga panaklong
pag-ibig ba
ang ipinahihiwatig?

[2 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

LABADA

Posted by influenza at 06:09 PM on March 2, 2007 .

 


Gaya ng selos sa dibdib
nginatngat ang mga kamay ko
ng paulit-ulit na pagkusot
sa kamisetang sinuot mo
kahapon
nang makita kita
may kayakap na iba.

 

 

[14 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

March 8th, 2007

DALAWANG PANGAKO [2nd draft]

Posted by influenza at 12:04 AM on March 8, 2007 .

 

Luhang
gumulong
sa pisngi

Ingatang
parang hamog
sa palad

Nang
di na
umagos pang muli.


Gumulong
na parang luha
sa pisngi

Ang pangakong
iingatang parang
hamog sa palad.

 

[add a comment]

----------------------------------------------------------------------

March 13th, 2007

ANO NGA BANG MAYROON SA LABAS NG KAHON?

Posted by influenza at 11:50 PM on March 13, 2007 .

 

Ano na ba ang hitsura ng mundo? Ano na ba ang hitsura ng buhay sa labas ng de-kuryenteng kahong ito? Paano nga ba humakbang si Iska? Siguro ay paika-ika dahil na rin sa bigat ng matrikulang binabayaran. Paano na nga ba magsalita si Isko? Balita sa aki'y pinanawan na raw ng tinig ang dalaga, kangangalngal sa nasirang ama. Ano na nga ba ang kahalintulad ng tawa ni Gloria? Malamang katunog pa rin ito ng pag-iyak ng mga batang inulila ng mga balang bumaon sa sinapupunan ng kanilang ina. Marunong pa bang magtanim ng palay si Juan? Dinig ko'y bala at hindi binhi ang kanyang itinatanim. Dinig ko'y di mo na siya halos makita o makilala, 'pagkat damit na suot niya'y kakulay ng masasamang damo at iba pang talahib. Ano na ang kulay ng parang? Ang sabi sa aki'y matingkad pa ito sa kulay ng natuyong dugo. Bakit, itinanong ko. Dahil ba dugo't hindi tubig ang dumadaloy mula sa irigasyon?

[2 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

March 18th, 2007

KAHON

Posted by influenza at 11:19 PM on March 18, 2007 .

 

Uuwi na ako't ano na naman ang madaratnan ko---isang kahong walang laman. Isang kahong walang damdamin pero hindi manhid sa mga nararamdaman ko, na para bang gabi-gabi (dahil wala naman ako sa umaga) ay lagi akong minamasdan, inoobserbahan, pinakikiramdaman. Tuwing gabi sa loob ng kahong ito ako natutulog, at mukhang dito na rin ako mahihimbing nang habambuhay (o habang-patay).

Ang kahong ito ay ang aking kwarto, nakatakdang magbago ng anyo (magiging parihaba ayon sa sukat ng katawan ko) pagsapit ng huling hininga, o di kaya'y huling hikbi. ('Pagkat sa kabilang buhay ay di na ako iiyak.)

 

[add a comment]

----------------------------------------------------------------------

March 25th, 2007

API (APOY)

Posted by influenza at 01:35 PM on March 25, 2007 .

 

Ali ne bubulad ing api
e ne mamaus,
"Andang!"
Makarimla .

E na ku mibalik
E ku balu, nokarin ku munta
Ika, no ka minta?
"Patdan ku ing api,"
asabi mu. Maluwat neng
mete, aku.

(Di na umiimik ang apoy
di na tumatawag,
"Andang!"
Nakapanlalamig.

Di na ako babalik
Di ko alam kung saan pupunta
Ikaw, saan ka patungo?
"Papatayin ko ang apoy,"
sabi mo. Matagal nang
patay ang apoy, sabi ko.)

 

[2 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

March 26th, 2007

BAGONG BIHIS

Posted by influenza at 02:19 PM on March 26, 2007 .

 

Gaya ng bansa natin, kailangan ng bagong bihis, kaya ayan, bago na ang layout. Kung hindi, kasama tayong mabubulok sa nanggigitatang panloob at panlabas, sa mga nanggigitatang politikong ang alam lang ay magpabango at maghugas-kamay. Matagal nang dumating ang panahon para ihiwalay ang nabubulok sa mga hindi nabubulok. Ang mga katulad ni Gloria ay nabubulok na at kailangan nang ibaon, gamitin ang hustisya bilang palang panghukay sa lupang paglilibingan sa kanya. Matagal nang dumating ang panahon at kailangan nang tupdin ang banta nito.

Mga mata lang ba ang nagkakadeperensya? O maging ang ilong ay di na nakaaamoy?

Sa buong bansa, ang kabuuang bilang ng politikal na pagpaslang (extra-judicial killings) ay umabot na sa mahigit sa 800, ayon na rin sa KARAPATAN, isang malawakang alyansang nagsusulong ng karapatang pantao sa bansa. Hindi pa kasama diyan ang bilang ng mga naging biktima ng paglabag sa karapatang-pantao. Lahat nang pagpaslang na ito, naganap sa ilalim ng pamumuno ni Gloria Macapagal-Arroyo. Higit pa ito sa bilang ng mga napaslang noong panahon nina Marcos at Aquino (halimbawa, Martial Law victims, at Mendiola Massacre).

Bakit si Gloria ang itinuturong responsable sa mga pagpaslang na ito?

Naganap ang mga pagpaslang na ito sa kamay ng mga militar. At sino ang commander-in-chief ng mga sundalo natin? Si Gloria. Kaya naman hindi mo masisisi ang mga pamilyang naiwan ng mga nangamatay na, kung si Gloria ang itinuturo nila.

Nuong 2006, dalawa sa mga kaibigan kong artists/videographer ay sapilitang sinama ng mga militar na naka-destino sa Quezon Province. Pinagbintangan silang mga NPA gayong mga taga-syudad sila, at kaya lamang napadpad sa Quezon ay para tumulong sa isang fact-finding mission. Mga ilang buwan bago ito, isang kakilala ang 3 beses pinagbabaril sa kalsada, sa isang baranggay sa Calamba, Laguna. Ang lalaking ito ay isang activist/environmentalist, at ama ng kaklase ko sa UP Los Banos. Dinukot din ng mga militar at hanggang ngayon ay hindi pa nakikita ang mga ama ng dalawa sa mga ka-eskwela ko (isang taga-College of Development Communication at isang taga-College of Veterinary Medicine, UPLB).

Marami pang dapat talakayin, halimbawa ay ang usapin sa edukasyon. (Sa ibang pagkakataon na lang.)

 

[8 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

March 28th, 2007

BASURA MO, BABALIK SA'YO

Posted by influenza at 01:32 AM on March 28, 2007 .

 

Lumang kasabihan na ito, pero umuubra pa rin. Gaya ngayong eleksyon, ang anumang botong sasayangin natin ay walang kaibahan sa basurang kapag itinapon ay babalik sa porma ng mga politikong nagli-lider-lideran sa bansa natin---gaya ni Gloria at nang iba pang politikong napapanood mo sa telebisyon ngayon.

 

Basura mo, babalik sa'yo.

Lumang kasabihang Pilipino na maihahambing sa konsepto ng Karma ng mga kapatid nating Hindu. Ang mga Kanluranin ay may ganito ring pilosopiya, isang halimbawa ay yung mababasa sa "Metaphysics and Posterior Analytics" ni Aristotle.

Ang galing di ba? Iba-iba nga ang lahi natin pero tila may di-nakikitang sapot na nagdudugtung-dugtong sa atin bilang mga indibidwala na kabilang sa isang komunidad/lipunan. Collective Unconscious --konsepto ni Carl Jung, isang German psychologist/pyscho-analyst/scientist---paborito kong awtor.

 

Basura mo, babalik sa'yo. Anong itatapon mo?

[11 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

SI JUN DUCAT AT MGA BUDDHISTA SA VIETNAM

Posted by influenza at 07:44 PM on March 28, 2007 .

 

Panahon ng Vietnam War, bilang protesta laban sa tangkang pananakop ng mga Amerikano sa bansa nila, sinusunog (nang buhay) ng mga Buddhists ang sarili nila sa kalsada. Ang aktong ito ay itinuturing na pinakamataas na anyo ng protesta, at paraan ng pagpapakita ng ispiritwalidad, paniniwala, at paninindigan.

Political exercise ang mas popular na termino para dito.

Maraming dahilan kung bakit nagpoprotesta ang isa o grupo ng mga tao. Pwedeng ang dahilan ay diskompyansa at matinding diskuntento sa pamamahala ng gobyerno. Sa bahay ng nanay ko, nung bata ako, kapag hindi ko gusto ang ulam sa pananghalian, nagha-hunger strike ako. Ang mga manggagawa ng Nestle, nagpiket sa harap nito (sa Laguna) bilang protesta laban sa mapang-aping mga iskema ng korporasyon na ito. Mga tsuper nagpoprotesta rin dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina. Marami sa mga kababayan natin ang nagpoprotesta para ipakita ang disgusto sa administrasyon ni Gloria.

Maraming paraan para maprotesta--picket, hunger strike, rally, welga, vigil, dasal, atbp.

Sikat na sikat si Armando Ducat Jr ngayon, mas kilala bilang Jun Ducat. Ikaw ba naman ang mang-hostage ng 32 bata at 2 guro sa Maynila (pagitan ng city hall ng Maynila at Bonifacio Shrine). Sa paraang ito, naiparating siya sa buong mundo ang daing at hiling ng isang gaya niyang may malasakit sa mga kapwa niya---libreng edukasyon at pabahay para sa mga bata at pamilya ng mga ito. Paraan niya rin ito para iprotesta ang korupsyon at katiwalian sa bansa natin.

Political exercise. Extreme. Epektibo.

Paano kung lahat nang naniniwalang hindi dapat manaig ang mga korap na lider sa bansa natin ay gawin din ang ginawa ni Jun Ducat nang sabay-sabay, araw-araw?

 

[24 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

March 30th, 2007

TINDAHAN NI JUAN [Unang Labas]

Posted by influenza at 04:08 PM on March 30, 2007 POP & HUMOR.

 

Sa gilid ng libaging kalsada kung saan nakatayo ang tindahan ni Juan dela Cruz...

Sa harap ng mapagkumbabang tindahan ni Juan dela Cruz, minsa'y nagkasabay bumili ng samalamig itong sina Pareng Eraf at Ate Glow, tuloy napagkuru-kuro ng dalawa, habang si Juan ay nakikinig lang:

Ate Glow: (suot pa rin ang balat ng saging na ginawang sumbrero sa ulo) Pareng Eraf, mukhang nauubusan na tayo ng mga artista sa Pilipinas, ah!

Pareng Eraf: Siya nga? Bakit naman?

AG: E kasi nag-politiko na lahat! Mag-artista na rin kaya ako?

PE: O'nga 'no? Aba't nauubusan na rin tayo ng mga aktibistang bumabatikos sa'tin, alam mo ba? Hehe.

AG: Siyempre, deadmeat na sila---pinatrabaho ko kay Palpi! Wehe!

 

'Yan ang akala n'yo, pabulong na sabi ni Juan. Kung alam n'yo lang...

 

itutuloy...

[8 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

"BUSOG"

Posted by influenza at 11:49 PM on March 30, 2007 POP & HUMOR.

Punta kayo, libre 'to!

Ayan, obvious naman, third solo show na yan ni Carlo "Caloy" Gernale.

"BUSOG" RECENT WORKS OF CARLO GERNALE. APRIL 9 6PM,@ BLANC ARTSPACE, 2E CROWN TOWER,H.V. DELA COSTA ST,SALCEDO VILLAGE,MAKATI CITY.

[add a comment]

----------------------------------------------------------------------

March 31st, 2007

SILI KING

Posted by influenza at 03:55 PM on March 31, 2007 POP & HUMOR.

 

Mukha kang tanga
sa suot mong korona
pisngi'y singpula
ng dilang namamaga
sa dalawang daang piraso
ng siling pinapak mo.

 

[2 comment/s]

----------------------------------------------------------------------
« 2007/02 | 2007/04 »