extra help-biey | site design-kel juan | all rights reserved.

Entries for September, 2006

September 8th, 2006

FOOL TIME

Posted by influenza at 12:18 AM on September 8, 2006 .


original title: hayop, letse, alikabok et al

Hindi ko alam kung tama yung naging desisyon ko. kailangan yatang may magsabi saken na tama ang desisyon kong iwan ang pamilya't pag-aaral para sa mas makabuluhang bagay. O pyudal pa rin siguro ako mag-isip dahil naiisip kong pwede naman maging maayos ang buhay ko kung susundin ko ang gusto ng mga magulang ko, kung susundin ko yung pinaniniwalaan nilang mas makabubuti sa akin: ang makatapos sa pag-aaral at makahanap ng magandang trabaho o kaya ay magtayo ng sariling negosyo. Pwede naman. Mas madaling gawin yun. Wala akong mararamdamang matinding guilt at lungkot kung yun ang gagawin ko. Guilt in the sense the masasaktan talaga sila sa desisyon kong ito. At hindi ako tao kung sasabihin kong di ako makakaramdam ng guilt. Bato siguro ako kung gayon. Sana nga naging bato na lang ako. Walang buhay ang bato. Wala. Pero may malaking papel din ito as mundo natin. Kung walang bato, paano maitatayo ang Great Wall of China?

Sana naging hayop na lang ako. Yung gaya ng mga napapanood ko sa animal planet. Yung buhay ng mga hayop, simple lang. Mabubuhay, kakain, mamamatay. Tapos bago na namang mare-reproduce. Ganon lang. Di gaya ng buhay ng tao, ang daming kailangang isipin. Halimbawa, kung wala akong nakatakdang gawin para sa araw na ito, anong gagawin ko? Anong pwede kong gawin? Di naman ako siguro nabuhay, ipinanganak sa mundi para tumunganga lang. pero yun yung ginagawa ko ngayon, tumunganga.

Kaya ako humantong sa ganitong desisyon dahil naniniwala akong magbabago pa ang lipunan. May pag-asa pa mga tol! Pero paano makakamit ang pagbabago kung tutunganga lang ako dito?

Letse ba buhay ko? Kung ikukumpara siguro sa isang drug adik hindi masasabing letse ang buhay ko. Pero pakiramdam ko letse ako. Pakiramdam ko letse ang buhay ko.

Bumalik na lang kaya ako sa bahay at amining di na ako nag-aaral, lumuhod, humingi ng tawad sa mga magulang ko at magmakaawang tanggapin nila ako at huwag nila akong sasaktan? At kung di man nila ako pabalikin sa pag-aaral, magtatayo na lang ako ng junk shop, o kaya, tutulungan ko sila sa pagmamaniobra ng junk shop nila. Ar habang buhay akong magsisi sa isang bagay na sa paningin ng mga magulang ko ay isang kasalanan: desisyon kong iwan ang pag-aaral at layasan sila. Nabanggit ko na kanina ito di ba?

Ano ang kailangan kong gawin? Kailangan kong maging matatag. Para ano? Dahil may kailngan akong patunayan? Anong patutunayan ko? Ayoko nang mag-isip! Anong gagawin ko? Dapat yata mamatay na'ko.

Wala naman yata akong silibi sa mundo. Parang alikabok. Ano bang silbi sa mundo ng alikabok? Tinatanggal nga natin ito at winawalis araw-araw. Ayaw natin ng alikabok dahil wala itong silbi. Kalat lang. Pero bakit nag-e-exist ang mga alikabok? Di ba ang alikabok ay labi ng mga taong namatay? Sabi nga sa bibliya at ng teacher ko sa science nung elementary, ang tao ay nagmula sa alikabok at babalik sa alikabok. Oras na ba para bumalik ako sa pagiging alikabok? So ang alikabok parang multo (kung totoo man ang mga multo)? Patay na pero andiyan lang sila. Wala lang, andiyan lang.

Mahirap maging tao. Nakaka-challenge maging tao. Especially if you are able to see both sides of the world, or of everything. Lalo na kapag ang dami mong alam at ang galing mo mag-speculate at mag-analize.

Nakakapagod maging tao kahit parang nasa kalahati pa lang ako ng buhay ko, kahit parang wala pa naman akong nagagawa sa mundo.

[2 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

September 13th, 2006

BLAH BLAH BLACK SHIT

Posted by influenza at 05:34 PM on September 13, 2006 .

Sana may paraan para mabasa ang isip. (With the technology that we have today, meron na siguro pero di ko afford). Sana meron dahil wala akong alam na epektibong paraan para masabi orally nang malinaw ang nasa isip ko. Di ako maintindihan ng mga tao. Sa katunayan, di nila alam kung nasaan ako ngayon at kung ano ang tinatakbo ng isip ko bukod sa tina-type kong ito.

Nasunog ko na naman yung sinaing. Di ko alam kung bakit nakalimutan kong may sinasaing pala ako. Well actually alam ko, nakalimutan ko lang dahil may ibang bagay na nasa isip ko. Gaya ng "bakit ayoko magtrabaho sa bangko?"

Ayoko magtrabaho sa bangko dahil pakiramdam ko nakakabobo ang trabahong 8 hours sa isang enclosed airconditioned area habang nakaupo lang at nagbibilang ng pera at ng mga taong dumadating para mag-withdraw o mag-deposit. And besides, i am not big on numbers.

Ang gusto ko talagang gawin ay magsulat at magturo. Gumuhit paminsan-minsan at makarating kung saan-saan. Pero ayoko yumaman.

Shit ang mga mayayayaman. Sa buong populasyon ng mga Pilipino, 1% lang sa mga ito ang "mayaman (ang kinikita ay higit pa sa kinikita ng bansang ito kada buwan)". Ang 99% ay ang struggling class. Shit sila dahil kaya tayo naghihirap ay dahil ayaw nilang maging pantay-pantay ang lahat para manatiling nasa kanila ang materyal at kapangyarihan (see Marx readings for this). Shit!

[2 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

September 14th, 2006

MONEY-OBRA (Pagpihit sa kabilang kanto ng buhay)

Posted by influenza at 11:48 PM on September 14, 2006 .

Sinong mag-aakalang sa halagang kwarenta pesos ay mag-iiba ang ruta ng napaka-bata kong buhay?

Napagod ako kakaisip hanggang natagpuan ko ang sariling kumakapa sa bulsa kung saan may nakabaon palang babaryahing kwarenta pesos - sakto lang para makarating ako kung nasaan man ako ngayon, kung saan mag-iiba talaga ang hitsura ng buhay ko kaysa nakasanayan.

Naisip ko, panahon na para iwasan muna ang personal na interes at harapin muna ang mga taong yayakap sa akin gaano man karumi ang aking damit.

Kung pa'no ko minaniobra ang buhay sa nakaraang dalawa at kalahating taon ay bunga ng personal na interes na interes rin ng "movement." (Sinadyang maging vague ang statement na ito.)

Sa totoo lang di ko talaga alam ang gagawin at iisipin. Totoo pala talagang napakanipis lang ng linyang nagdidikta ng pagkakaiba ng tama at mali. Ayokong madatnan ang sarili ko sa mental hospital kaya nandito ako ngayon, binabaka ang isang depresyong matagal matagal na palang naninirahan sa aking kaluluwa.

Sana mataba na ako sa susunod na makita nila ako (kung magkakagayon man).

[2 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

September 19th, 2006

JUST CHECKING

Posted by influenza at 01:58 AM on September 19, 2006 .


Mas matanda na ako ng isang taon ngayon mula nung ideklarang 100 days na lang bago ang Pasko. (Ibig sabihin, 20 na ako nung Sept 17.)

Ganitong edad nagpakasal ang mga magulang ko. Isang taon matapos ang kasal, ipinanganak ako. Ngayong nasa ganitong edad na rin ako, wala naman akong ibang ginagawa sa buhay ko na singbigat ng pag-aasawa. Ganito na lang, nasa isang saradong lugar kung saan may mga pribilehiyong gaya ng tv at internet. Tigil ako sa pag-aaral ngayon. Sabi ko sa sarili ko di ko muna isusulat ang tungkol sa pagtigil ko sa pag-aaral pero makulit ang mga daliri kong parang bubwit na pumuslit sa computer area ng tinutuluyan ko ngayon.

Ilang buwan na lang sana, graduate na ako sa kursong BA Communication Arts, major in Writing, minor in Theater and Speech Communication sa University of the Philippines Los Banos, pero pinili kong tumigil. Maraming dahilan. Di ko muna sasabihin.

Tulog na'ko. Check ko lang kung ano na nagaganap on-line.

[add a comment]

----------------------------------------------------------------------

MEDYO MATAPANG NA AKO NGAYON

Posted by influenza at 03:39 PM on September 19, 2006 .

Mahalagang mabasa muna ang mga naunang entries bago ito:

Magaling ako magsulat pero takot ako, lalo na kung tungkol sa sarili ko ang isusulat. Kung tungkol sa ibang bagay naman, walang problema, pinupuri pa nga ako. Pero kapag tungkol sa sarili ko ang sinusulat ako, nakakatikim ako ng puna mula mismo sa mga kaibigan, maging sa mga kasama (kahit malikhain naman ang pagkakasulat at wala akong nasagasaang pangalan.)

Para lang malinaw, wala sa mga sumusunod ang dahilan kung bakit ako tumigil sa pag-aaral:

1. nabuntis ako. imposible ito dahil wala naman akong boyfriend. alam kong di kailangan ng boyfriend para mabuntis - wala din akong sexlife.
2. bumagsak ako. imposible din ito dahil mahusay akong estudyante. honor roll at college scholar ako sa uplb.
3. drug adik ako. hindi rin ito ang dahilan dahil wala akong bisyo. Hindi ako umiinom, ni hindi naninigarilyo. di rin ako lumalabas para gumimik.

Kung titingnan, wala naman talagang mali sa akin, o wala naman talagang mairereklamo sa akin ang mga mgaulang at teachers ko. Marami ngang nagulat sa desisyon ko. Sina nanay at tatay, lalo na - di ko kasi pinaalam sa kanila na nag-file ako ng LOA.

Pero may problema. Alam kong may problema, dahilan para tumigil ako sa pag-aaral.

Nung una, buong-buo ang pasya kong tumigil para maging full time activist (FT). Natupad naman. Pero sa mga unang linggo ng pagiging FT, di ko nakita't naramdaman yung katumbas (worth) ng mga sakripisyong gaya ng pag-iwan sa pag-aaral, paglalayas sa bahay, pagtalikod sa pamilya't mga kaibigan. Nakaramdam ako ng matinding kalungkutang di ko maintindihan. Kinain ako nito unti-unti - dumating sa puntong gusto ko na tapusin ang buhay ko dahil di ko makita ang silbi ko sa mundo. Di ko alam kung bakit nabubuhay pa ako. Kaya ayun, bigla akong nawala. Literal. Sa bungad ng isang malaking gawain ay bigla akong nawala. Pakiramdam ko kasi, isa na lamang akong laruang de-susi. Gasgas man pakinggan pero yung ang naramdaman ko. Sa panahon na yun (kahit ngayon naman) ay wala akong makausap tungkol sa nararamdaman ko. Naging napakahirap para sa akin ang pagdaan ng bawat araw dahil para akong galunggong na binilad sa araw - walang kumakausap sa akin. Pakiramdam ko, alikabok lamang ako. Pakiramdam ko, patay na ako. Di ba't ang tao, pag namatay, bumabalik sa pagiging alikabok. Masyadong abala ang mga tao para mapansin ako. Palagay ko, di matatawaran ang mga panahong mamamatay ako sa lungkot. Posible pala yon. Di alam ng mga kasama kung nasaan ako ngayon at di rin nila ako makontak dahil wala na akong cellphone.

May malaking problema ako kaya ako tumigil sa pag-aaral at kaya rin bigla akong nawala: ANG SARILI KO. Di ko alam kung mauunawaan ito ng mga kasama. Malabo. Kahit ako mismo, di ko maunawaan ang sarili ko.

[15 comment/s]

----------------------------------------------------------------------
« 2006/07 | 2006/10 »