extra help-biey | site design-kel juan | all rights reserved.

Entries for September, 2005

September 28th, 2005

LUNGKOT

Posted by influenza at 07:50 AM on September 28, 2005 .

Ang gaya ko'y
singpanglaw
ng patay-sinding
ilaw;
walang umaapuhap
kahit panay
ang kutitap.

[add a comment]

----------------------------------------------------------------------

September 29th, 2005

HAPPY BIRTHDAY BLOG!

Posted by influenza at 01:43 AM on September 29, 2005 .

GRABE ISANG TAON NA BLOG KO. BINASA KO YUNG MGA LUMANG ENTRIES KO AT NA-REALIZE KO, WALANG KUWENTA ANG MGA ITO.

[3 comment/s]

----------------------------------------------------------------------

September 30th, 2005

CUBIQUEL

Posted by influenza at 12:56 AM on September 30, 2005 .

SI GAMO KAY TAP / SI GAMO AT SI TAP

Nakita ko ang ilaw
Sa iyong puwitan
Kaya ikaw
Ay aking nilapitan.

-----

Sa ilaw mo
Ako ay naakit
Kaya sa'yong puwit
Ako ay lumapit.

-----

Sa ilaw ng iyong puwit
Ako ay naakit
Kaya ako ay lumapit.



PIK-PAK-BOG

Pa-lak-pak
Pa-lak-pak
Pa-lak-pak-pak
Pa-lak-pak-pak-pak
Pumalakpak ang mga bala
At tumagos sa braso, dibdib, hita
Nina nanay at tatay.

Ka-la-bog
Ka-la-bog
Ka-la-bog-bog
Ka-la-bog-bog-bog
Kumalabog sa lupang dinampol
Ang mga katawan
Nina nanay at tatay.



INBOX (214)

Boses mo ang narinig
Mula sa umaawit mong mga salita
Na pinakita ng monitor
Matapos kong pindutin
Ang inbox ng aking e-mail.

Gamit ang kaliwang kamay
(Habang nakapatong ang kanang kamay sa mouse)
Hinaplos ko ang mga titik sa screen
Pero damdami'y di nasiyahan,
Sa halip ay lalong nanabik
Sa mga yakap mong
Di maiparamdam ng kahit anong computer.



SA TAGUMPAY NG REBOLUSYON

Nagbabaga ang dapithapon
habang hinahalikan ng hangin
ang mukha ng kabundukang
aking kinahihimlayan.
Binulag man ako ng balang
bumaon sa aking kaliwang mata,
malinaw kong natatanaw;
Pinatahimik man ako
ng busal sa aking bibig,
ako'y nangingiti;
Wala nang dugong dumadaloy
sa mga ugat ng aking mga kamay,
nakakapa't nararamdaman ko pa rin…
Malapit na ang tagumpay.


BAYLUHANG NAKAKABAGOT

Pinilas ng liwanag ang kalangitan
Binasag ng musika ang katahimikan
Sa dulo ng liwanag ay may bayluhan

Sa awit ng ligaya'y nagyuyugyugan
Mga paa't palad ay nag-iibigan
Pinilas ng liwanag ang kalangitan

Nang-aakit, bahagharing laylayan
Nagpapaakit, kabaro ni Adan
Sa dulo ng liwanag ay may bayluhan

Saksi, mga tala't buwan
Sa paggulong ng mga kapalaran
Pinilas ng liwanag ang kalangitan

Singlalim ng dilim ang kaligayahan
Nagwawala ang buong bayan
Sa dulo ng liwanag ay may bayluhan

Ano 'tong aking nasasaksihan
Paggising ng araw, pag-alis ng buwan?
Pinilas ng liwanag ang kalangitan
Sa dulo ng liwanag ay may bayluhan.



HUWAG MO AKONG PATAHIMIKIN

Mas malapit ang buwan
kaysa sa'kin
sa iyong paningin.
Ang malayo
ay 'yong natatanaw,
katabi nama'y
hikahos sa 'yong lambing.
Maaaring buwan ay palayasin,
huwag mo lang hilinging
Ako'y patahimikin.


INUUMAGA

Umaga na,
Butas na
Ang bumbunan ko,
'Kaw pa rin
Nasa isip ko.


CEREBRAL PATRIOTISM

I can feel the fire of
subversion burning in me.

I can feel the warmth
of passion governing my senses.

I can feel the blood
of the revolution on my forehead.

I can feel the sense of
pride only a Brownman could feel.



DALAWANG BANTAYOG

Sa Kalookan,
Monumento'y bantay-sarado
Ng sapin-saping usok at abo.

Sa Maynila,
Motto Stella'y bantay-sarado
Ng dalawang sundalong mukhang gago.


RAYMUNDO

Basang-basa
Ang laylayan ng pantalon
Dahil baha-baha
Ang kalsadang iyon.

Tabi-tabi
Isda, halaman, tao, sasakyan.
Tumabi-tabi lang d'yan
At baka masagasaan.

Patay, patay!
Anak ng buko pie!
Pag gilid ko may tae;
Natapakan ko, leche!



LAMBINGAN

Madalang ang pagdalaw
ng mga labi mong babasagin
sa mga labi kong nanunuyo, nalulunod
sa malalim na pagkauhaw.
Pero ang bawat dampi
ay walang singtamis,
kulang na lang ay langgamin ako.
Banayad ang paghipo mo sa akin
gayong mahigpit ang hawak ko sa'yo.
Malamig ang iyong balat
kahit pinagpapawisan.
Malamig ang iyong katawan pero
ang ginaw na dala mo ang lalong nagpapasarap
sa ating suyuan at nagpapainit sa aking katawan.
Mahal kita. Mahal ka din.
Ito ang naglalayo sa atin;
bumibitin sa sa bawat pagtatagpo
ng ating mga labi.

Lumalalim ang gabi
ngunit bumababaw na
ang aking pagkauhaw.
Ganoon pa man,
lumalim pa rin ang pananabik
at pagkahumaling ko sa iyo.
At sa patuloy na pagngiti ng buwan,
lumalalim din ang ang pagkalugad
ng iyong kaluluwa
sa aking kaluluwa.
Naramdaman ko
ang pagpangko mo
sa balingkinita kong katawan.



LUMILIYAB PERO DI NATUTUPOK

Ang lumang paghanga,
Naluluma lamang;
Lumiliyab
Pero di natutupok.


DASAL NI NARCISA

Santa, santa, santa
Panginoong guapa,
Ang kagandahan ay sumasaiyo
Dinggin mo ang panalangin ko:
Ako sana'y di himatayin
Sa gandang nakikita sa salamin.



LECTURE HALL

Pisara:
Dumadalang ang paghalik
Ng iyong mga labi
Sa aking pisngi.

Yeso:
Sawa na'ko sa kakahalik sa'yo
Dinudurog mo
Ang mga labi ko.

OHP:
Ihiga mo sa akin
Ang iyong katawan
At ikaw ay aking iilawan.

Transparency:
Sige,ilawan mo ako
At ang lahat sa akin
Ay ipapakita sa’yo.




PAGBAGSAK

Ang paghiga sa kama
Ay pagbagsak sa mga hele
Ng aking ina.

Ang pagyakap sa unan
Ay katumbas ng isang libo't
Isang oyayi
Na nagduyan sa akin
Hanggang sa ako'y mahimbing
Nang may ngiti sa labi
At mahulog
Sa lawa ng laway
At sa lawa ng mga panaginip.

Ang diwa ay naglakbay
Sa isang libo't isang pakikipagsapalarang
Nagaganap lamang sa isip:
Ang pagsisid sa dagat ng mga ulap,
Pagtawid sa isang libo't isang ilog,
At higit sa lahat,
Ang pagpatay sa buhay na bangkay!

Nanggising ang katotohanan
At natauhan na lamang ako:
Alas-diyes na pala't
Kanina pa nakabangon ang araw
Samantalang ako'y nakahilata pa!
Ilang minuto na lang,
Iksam na!
Hindi pa'ko nag-aaral!

Ang isang libo't isang hilik
Ay nauwi sa isang libo't isang "tsk, tsk, tsk".

Ngayong araw
Ako ay babagsak
Sa naaagnas na mga kamay
Ng titser kong mukhang bangkay.




ANONG KLASE

Sa klase,
kapag ang guro
ay isang oyaying
hinahayaan kang antukin
pero binabawalan kang mahimbing,
ang tagapakinig
ay nagiging matinik
na tagabilang
ng mga "ano".

Sa simbahan,
Kapag ang pari
Ay isang opyong
Hinahayaan kang malason
At binabawalan kang magtanong,
Ang tagapakinig
Ay nagiging manhid.


WALLPAPER

Sa isang pindot,
Sa isang pulgadang bintana
Dumungaw ang mukha
Ng babaeng madalas
Sa billboard lang nakikita.



NAGABAGANG ASPALTO

Gumapang ang nagbabagang
Aspalto ng Mendiola sa brasong
May tangan sa bandila
Nang dito’y ilapag
Ang kaliwang palad.

Ang araw
Na kanina’y nangangagat
Sa balat,
Ngayon ay nagyayakag
Na itaas ang pulang bandila’t
Iwagayway,
Isayaw-isabay
Sa mga butil ng pawis
Na tila alipatong
Nilalandi ng hangin.



KUNG

Kung ang pag-angkin
Sa iyo
Ay gaya ng pagnanakaw
Ng halik,
Matagal ka nang nasa akin.



TANDANG PANANONG

Ano ang pakiramdam
Ng pisnging
Parang ginusot na tela,
Pisnging may permanenteng gusot
Na sanhi ng katandaan;
Ano ang pakiramdam nito
Sa palad
Habang hinihilamusan
Sa gabi bago matulog,
O sa umaga pagkagising?


KLASRUM

Pumapatak ang mga luha
Ng kisame
Sa balat
Ng mga silyang tumtaghoy
At nag-aamok
Sa harap
Ng naghihingalong pisara,
Nagpapapansin
Sa mga nagdaraan,
Sa sinumang maaring sumilip
Sa bituka ng klasrum
Na lumuluwa
Sa butas na pinto’t
Warak na bintana.



MB108 SA TAG-INIT/TAG-INIT SA MB 108


Likod ng ref o aircon
Ang bawat dimensyon;
Ang bawat singaw,
Mahirap iwasan –
Nakakabalisawsaw.
Ang kilikili, sumasabaw.
Tuloy, ang mga braso,
Di maigalaw;
Ang kamay,
Di maitaas.
Paano magpapakitanggilas
Sa titser na maangas
At sa seatmate na may balbas?


ANGAS

Pakiramdam ko
Ako ang maxx o stork
Sa loob ng bibig,
Sa ibabaw ng dila
Sa harap ng ngalangala.
Aaahhh…


ANG MGA GUHIT

Ang mga guhit
Sa noo ni Sir
Ay walang pinagkaiba
Sa mga guhit sa papel ko
Nung grade one ako –
Parehong masarap sulatan.



BINTANA SA NCAS 306

Ang salaming bintana
Na nasementuhan ng alikabok
Ay malipat nang mahugasan.
Mahamog na ang hangin,
Palapit na ang ulan.
Di mo kailangan ng payong.


LIGAW NA NGINIG

Nangungulit ang cellphone
Na nanginginig,
Nangangalabit,
Paulit-ulit;
Nagpapangimay sa kaliwang kamay
At nagmamakaawa:
“Sagutin mo na ako.”



PAGPATAY

Patay na siya.
Pinatay ko siya
Dahil hindi ko kayang
Makita siya
Na may kasamang iba.
Walang nagawa
Ang UP Health Service.
Nilagyan ko ng lason sa daga
Ang ginisang munggong
Inorder niya sa Ellen’s.
Ngayon ay kayakap ko
Ang malamig niyang bangkay.
Ang una at huling bulaklak
Na ibibigay ko sa kanya
Ay matatanggap niya bukas,
Sa araw ng kanyang burol.



ANG PINAKAMABAGAL SA MUNDO

Ang pinakamabagal sa mundo
Sa mga oras na ito
Ay ang oras mismo;
Ang pinakamabilis
Ay mga ngiti mo.
Samantala,
Ang pinakamahina
Ay ako;
Ang pinakamalakas naman
Ay tibok ng puso.
Pero di mo ito naririnig
Dahil ito ay walan bibig.
Ang puso ay di marunong magsalita,
Wala itong dila;
Ang alam lang nito
Ay tumibok.
Ang alam ko lang,
Sumulyap
At bumuntung-hininga.



GOTO SA ELBI

Natikman ko ang pait
Na dulot ng buto
Ng kalamansi.
Nalasahan ko
Ang di-maintindihang pait
At panghi
Na sanhi
Ng bawang
Na nanatiling sariwa
Sa kabila nang pagkakaluto rito.
Di ko na maalala
Kung ano ang masarap sa goto.
Matabang na ba ang goto sa Elbi?
Nawala na yata ang madyik
Ni Manang sa pagluluto nito.
Manhid na yata ang dila;
Masyado atang mainit ang goto ngayon
Kaya ako ay napaso
At ang dila’y nangimay.
Hindi ko na maunawaan
Kung ano ang binabalik-balikan
Ng mga tao sa Goto Elbi.


SI NARDONG LAWAY-NG-PUKE

Kilala mo ba si Nardong Putik?
Laos na yun!
Eh si Nardong Laway-ng-Puke,
Kilala mo?
Ang kanyang kapangyarihan
Ay nanggaling sa laway
Na lumalabas sa pekpek ng babae.

Isang garapon ng Lady’s Choice
Na may katamtamang laki
Na naglalaman ng laway ng keps
Ang ipinamana sa kanya
Ng kanyang lolong sampu ang anak,
Tatlo ang asawa,
Bago ito mamatay,
Ilang buwan matapos siyang tulian.

Noon n’ya nalaman
Ang misyon n’ya sa buhay:
Ang maghasik ng ka-macho-han
At magtaboy ng kabaklaan!
Sa bawat paglublob
Ng mga kamay,
Balbas n’ya’y lumalagom,
Dibdib n’ya’y lumalapad.

Isang araw,
Sa Kanto Tinio,
Sa tapat ng bahay
At sa harap ni Gabriela’y
Ginamit n’ya ito,
Ipinahid ang laway
Sa noo, sa pisngi, sa labi.
Lumapit si Nardo kay Gabriela’t
Tiningnan lamang siya ng dalaga,
Tumaas ang kilay,
Kumunot ang noo
Pati ang ilong,
Sabay sabi Nardo:
“Bakit may dura sa mukha mo?”

[2 comment/s]

----------------------------------------------------------------------
« 2005/08 | 2005/10 »