ISANG LITERARY LETTER
Posted by influenza at 12:15 AM on July 13, 2005 .
12 Hulyo 2005
Bb. Clarisse Shalumai Colting
College Editors' Guild of the Philippines
Southern Tagalog
Magandang araw!
Batid ko pong ang aking panulat ay may kapurulan at nangangailangan ng masinsinang ninyong paghasa.
Ako po ay isang baguhang manunulat na bagama't nakapag-aaral ay umaaming kulang pa rin ang kasanayan sa napiling bokasyon. Kayo po ay kinikilala ko bilang isa sa mga matatalas na batang manunulat na mahusay kumapa ng isang matalim na sanaysay na pang-diyaryo at alam kong makakatulong sa akin at sa bayang pareho nating pinaglilingkuran.
Hinihiling ko po sa inyo ang ilang minuto ng bawat araw, o kaya nama'y isang buong oras ng isa sa mga gabi ninyo na maaari po ninyong ilaan hindi lamang sa pagbubura ng kalawang sa aking sulatin, kundi pati na rin sa pagbibigay ng mga suhestiyon na makakapagpatalas sa aking kakayahan bilang isang manunulat.
Aasahan ko po ang inyong pakikiramay. Maghihintay po ako sa magiging sagot ninyo sa sulat kong ito. Ngayon pa lamang, sa ganang napagtiyagaan ninyong tapusin ang liham ng isang hamak na tulad ko, ay lubos na po ang aking pagpapasalamat!
Gumagalang,
Raquel G Juan

