Bakit pula ang kulay ng mga hamog kaninang umaga? Mga patak ng dugo na tila luha sa ibabaw ng mga dahon at ng mga talulot ng bulaklak ng santan sa bakuran tuwing umaga, kumikislap kapag tumatagos ang sinag ng araw sa tiyan ng mga mumunting umbok na ito. Palagi kong naaabutan si Lolo sa likod-bahay, tinititigan ang mga halaman ng santan, habang nakasuksok sa bulsa ang mga kamay niyang kulu-kulubot, nagpapaalala sa kamang hinigaan ko kagabi at basta na lamang iniwan nang maalimpungatan sa samyo ng sinangag at tuyo na inihanda ni Nanay bilang almusal.
Si Nanay, tumalak-talak na naman dahil nanakawan daw uli kami ng manok, kada katapusan ng buwan nangyayari yun. Pero ngayon, hindi ako sa mainit at malinamnam na almusal nagising, kundi sa isang masamang panaginip kagabi. Mula sa bintana, natanaw ko ang nakatalikod na si Lolo.
Hindi pala-imik si Lolo. Sabi ni Nanay, hayaan na lang namin siya, tutal ganyan naman daw talaga ang mga matatanda. Minsan tuloy, naiisip ko, lalo na kapag pinapagalitan at binubulyawan ako ni Nanay kapag nakakatulugan ko yung telebisyon, na sana tumanda na siya, para tumahimik na lang din siya gaya ni Lolo. Kapag pinapagalitan niya ako, naiinis ako. Umaalis ako ng bahay at tumatambay sa tindahan ni Ka Mercy. Di gaya ni Lolo, si Ka Mercy, madaldal, pero isa lang naman palagi ang kinukuwento, yung tungkol sa pulang hamog sa halaman ng santan sa bahay namin. Yun yung kuwento na palagi kong binabalik-balikan sa tindahan niya. Kaya minsan, gusto ko ring pinapagalitan ako, para may dahilan ako na tumambay sa tindahan ni Ka Mercy. Para pa rin akong bata.
Paulit-ulit lang ang sinasabi ni Ka Mercy tungkol sa mga pulang hamog sa santan.: “Noong unang panahon, hindi pa marunong pumula ang mga hamog. Ang pulang kulay nito ay sumisimbulo sa walang hanggang pag-ibig ng isang lalaki sa kanyang asawa. Ganonpaman, ito ay marka rin ng matinding galit at hingapis na habang-buhay na nadarama ng lalaki. Sa tindi nito, wala na siyang mailuha pa. Pero marunong lumuha ang langit para sa kanya. Bago matapos ang buwan, lumuluha ng dugo ang langit. Hindi ito nag-iingay, ni hindi ito umiimik, pero sumisigaw ang mga sariwang luhang iniiwan nito sa ibabaw ng mga dahon at ng mga talulot ng santan.”
Di yata natunawan ang isip ko sa kuwento ni Ka Mercy kahapon. Di ko alam kung namalikmata lang ako kaninang madaling araw, mga bandang alas-tres. Bakit ba kasi naimbento pa ang ihi? Parang nakita ko nga yata talaga si Lolo kanina pagkagaling ko sa banyo. Pabalik na ‘ko sa kwarto ko nang may masulyapan ako sa bintana. Nagtago ako agad sa mga kurtina. Nakita ko si Lolo na nandun sa likod ng bahay namin. Nakatalungko siya sa lupa. Nakatalikod siya paharap sa kulungan ng mga manok kaya alam kong imposibleng makita o mapansin n’ya ako. May ginagawa siya. Ano yun? Lalo tuloy ako napatitig sa kanya. Parang may kinakatay siya. Yung manok! Ginigilitan niya yung manok!
May hatid na saya ang hanging sumasalubong sa akin ngayon kahit pa ang hanging ito ay sinasabayan ng alikabok na naistorbo ng makakapal na gulong ng rumaragasang jeep ng mga Kano. Saan kaya nanggaling ang mga ito? Dumadalas ang pagroronda nila, ah. Di bale, alam kong ang hangin na ito ay dumaan at humalik sa pisngi ng aking asawa, kaya sa pagdaan nito, parang hinalikan na rin niya ako. Lalo tuloy nadaragdagan ang pagkasabik ko na makauwi at makita siya, lalo na ngayon, anibersaryo namin mukhang magkakaroon na ng kapatid ang panganay ko. Alam kong magugustuhan niya ang manok na dala ko at mga bulaklak ng santang napitas ko dun sa kabilang kanto.
Ipagluluto ko siya. Ano kayang masarap, inihaw o tinola?
Bakit ginigilitan ni Lolo yung manok? Aanhin n’ya yun? Alangan namang ihawin n’ya yun nang ganitong oras sa madaling araw? Di kaya…
Tunayo si Lolo, may hawak na tabo sa kanang kamay, at nagtungo sa harap ng mga tanim na santan. Inilublob niya ang kaliwa niyang kamay sa tabo at iwinagayway ito sa halamanan, tila nagwiwisik. May laman pala ito.
Kaya pala buwan-buwan nababawasan ng isa yung mga manok namin. Si Lolo ang may gawa. Malamang! Haa! Sumabit ang hangin sa lalamunan ko sa biglaang pagsinghap. Parang di ako makahinga. Si Lolo, kanina pa ba siya nakatingin sa’kin? Parang ginigilitan ng mga tingin ni Lolo ang leeg ko ngayon. Di ako makagalaw. Gusto kong biglang maglaho na lamang.
Ilang kanto na lamang ang layo ko sa tahanan naming mag-asawa. Parang ilang hakbang na lamang ang katumbas nito. Tumitindi ang pagkasabik ko. Teka lang, ano yun? Bakit ang daming tao? Ah! Sina kumpare o kumare lang yun! Makikisaya siguro, babati. Aha, nakakatuwa naman, nakakataba ng puso. Si misis talaga, naikuwento na naman niya sa mga kapitbahay na anibersaryo namin ngayon. Sasabihin ko sa mga kapitbahay namin, sa pagkain, puwede nila kaming saluhan, pero mamaya, pag madilim na, ipapaalala ko sa kanila na handa na si Ineng na magkaroon ng kasunod. Ahaha…
Ang sakit ng ulo ko. Mukhang masama yung epekto ng napanaginipan ko kagabi ah. Teka, panaginip lang ba yun? Parang totoong nakita ko si Lolo. Ano nga bang ginagawa ni Lolo kagabi sa may likod? Argh! Masakit talaga ulo ko. Matutulog na lang uli ako.
“Ka Mercy! Ano na bang nangyayari dito? Bakit pinagkakaguluhan n’yo bahay naming mag-asawa? Ikaw, Ka Mercy, ha, makikikain ka na naman. Magluluto ako ng tinolang manok para sa asawa ko. Anibersaryo namin ngayon, alam mo ba? Batiin mo namin kami! ”
“Dan…”
Naramdaman ko ang pag-aalinlangan sa tinig ng kumare’t kapitbahay ko. Pero hindi ko siya maintindihan. Masyado akong masaya para bigyang-pansin ang pag-aalinlangan n’ya. Batiin n’ya lang ako at ang asawa ko ng “Maligayang anibersaryo” ay sapat na.
“Sige, Ka Mercy, at tutuloy na ko sa bahay. Hinihintay na ako ni kumander!”
“Dan, huwag kang tumuloy, dito ka muna,” parang naulinigan kong sabi ni Ka Mercy. Naramdaman kong sumunod ang iba pang mga tao. Parang nagbubulungan sila pero di ko na ito alintana. Nakangiti pa akong umakyat sa una, ikalawa, ikatlo at huling baitang pasampa sa bahay kung saan naroon ang pinakamagandang babae sa buong mundo, ang aking mahal.
Bukas ang pinto. Nasaan ang aking asawa? Nasasabik na ako. Hinawi ko ang kurtina’t pinagala ang aking mga mata sa maliit na sala namin. Wala siya. Sa kuwarto, wala. “Sinta!,” malambing na tawag ko. Tila naantala ang pagbubulungan ng mga umpukan sa labas. “Sinta, narito na’ko! Ipagluluto kita ng paborito mong tinola.” Nagpunta ako sa kusina, baka sakaling naroon siya at nagluluto rin para sa akin.
Inilapag ko ang manok sa mesa.
Wala siya sa kusina. Nasaan kaya siya?
Ah, sa likod-bahay.
Nagmadali ako. Patakbo-lakad akong nagrungo roon. Sa paglaka-takbo ko, parang naramdaman kong nahuhulog ang pananabik ko sa lupa, kasabay ng pagbitiw ko sa pumpon ng mga santan. Parang napapalitan ng kaba ang pagkasabik na kanina, habang naglalakad ako pauwi ay damang-dama ko.
“Sinta!”
Sa likod-bahay. Nagulat ako sa aking nakita!
“Anak, gumising ka, gising! Natutulog ka na naman sa harap ng tv. Hindi ba’t sabi ko sa’yo ‘wag mong tutulugan yung tv, nasasayang lang yung kuryente! Ikaw talaga!”
Pinapagalitan na naman ako ni Nanay. Siya namang pagdating ni Lolo mula sa labas-bahay, may bitbit na bulaklak ng santan sa kaliwa niyang kamay. Pumasok na si nanay sa kwarto marahil para umidlip o magpahinga.
“Lolo, nood po tayo, dito po kayo sa tabi ko.” Inalalayan ko siya. “Nood po tayo ng balita,” magiliw kong sabi sa kanya, gayong hindi naman kami talaga malapit sa isa’t isa. Sabay kaming naupo ni Lolo sa kawayang sofa.
BALIKATAN Exercises sa Timog-Katagalugan ang ibinabalita ng isang reporter na di ko kilala, bago siguro. Ewan ko din. Sabagay, wala naman yata talaga akong kilalang mga reporter. Mas gusto kong matulog na lamang, kaysa ma-bad trip sa mga balitang puro sakit lang ng ulo ang kayang ibigay.
Mga tropang Kano ang pinapakita. Bakit kaya nandito na naman sila? Para makipagpalitan ng impormasyon at magbahagi ng kakayahan? Utot nila! Bakit ba tayo maniniwala sa kanila?
Hindi pa rin kami nag-iimikan ni Lolo. Napatingin ako sa kanya. Napansin ko ang matamang pagkakatitig n’ya sa telebisyon. Noon ko lang natitigan ng gaoon kalapit at ganoon katagal si Lolo. Kung iisipin, mula pagkabata ay kasama ko si Lolo pero parang di kami nagkaroon ng pagkakataon na maging malapit. Ang mga guhit sa mukha ni Lolo – sa noo, sa pisngi, sa magkabilang gilid ng mga mata niya at bibig, pati na ang mga kulubot niya sa leeg. Parang ginusot na papel. Ang mga guhit sa noo ni Lolo ay halos walang pinagkaiba sa mga guhit sa papel ko noong grade 1 pa lamang ako, parehong masarap sulatan. Oo nga, parang may nakasulat sa noo ni Lolo, pero di ko ito mabasa. Marahil, kahit kailan, di ko na ito mababasa pa.
Kasunod nito ibinalita naman ang tatlong babae sa Mindoro. Nag-uusap lamang daw sila tungkol sa pagdating ng mga Amerikano nang bigla silang hinablot ng ilang kasapi ng tropang Kano na nagroronda sa lugar nila. Nakakaawa ang tatlong babae. Pinakita ang mga larawan ng mga bangkay nila. Wala nang mga kuko. Lasug-lasog ang mga katawan. Sabi ng reporter, napag-alaman daw na sinunog ang mga ito nang buhay. Pero bago yun, isinabit sila sa likod ng jeep na pang-patrolya ng mga Kano at kinaldkad at ipinarada ang kalunus-lunos na mga babaeng ito sa buong bayan. Wala silang mga kasalanan, sila ay nag-uusap lamang, anong masama roon?
Humigpit ang pagkakahawak ni Lolo sa bulaklak ng santan. Hindi ko alam kung pa’no nangyari ito pero nakita ko talagang nagdugo ang mga palad niya sa higpit nang pagkakatangan niya sa bulaklak na kulay puti. Hindi ko alam kung anong gagawin ko o kung anong sasabihin ko kay Lolo. Ilang sandali rin akong napatitig sa mga kamay niya. Nang mapatingin ako sa mukha niya, nakita ko na lamang na basa na ang kaliwa niyang pisngi. Umiiyak si Lolo pero wala akong naririnig na hagulhol. Noon siya nagsalita, nagkuwento. Ang unang pagkakataon. Hinawakan ko ang kanyang mga kamay. Naramdaman ko ang init nito. Alam kong pumula na rin ang mga palad ko.
Ang mga kuwentong paulit-ulit na sinasambit ni Ka Mercy sa tuwing tumatambay ako sa tindahan niya. Ang mga reta-retasong panaginip ko na napuputol kapag naiihi ako. At ang mga hamog na kulay pula. Yun ang una’t huling kuwentuhan namin ni Lolo.
Maliwanag ang buong kabahayan. Puno ng ilaw ang harapan at loob ng bahay. Maraming tao. Hindi ko alam na ganito pala karami ang mga kaibigan ni Lolo.